Binatikos ng Pangulong Benigno Aquino III ang mga kapwa presidentiables ng manok niyang si Mar Roxas.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Rome, Italy, isa-isang binatikos ng Pangulong Aquino sina Vice President Jejomar Binay, Senador Grace Poe, Senador Miriam Defensor Santiago at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Pinayuhan ni PNoy ang mga Pilipino doon na piliing mabuti ang tamang kapalit niya sa puwesto para maipagpatuloy ang reporma at tagumpay na kanyang nasimulan.
Inihayag ng Pangulo ang isang kandidato na tila wala nang matitira pa para tustusan ang pagganda ng buhay na ipinapangako nito matapos akusahan nang pagsamsam ng kaban ng bayan na ang tinutukoy ay si Binay.
Binatikos ni PNoy si Poe sa pagsasabing inaakala nitong kapag nanalo siya ay gigising na lamang ito kinabukasan sa isang bagong umaga na may solusyon na ang lahat ng mga binanggit nitong problema.
Ang isa naman aniya ay dadaanin sa social media ang kampanya at akala rin nito aniya ay makakapagpatayo ng kalsada at makakapagpakain nang nagugutom gamit lamang ang Facebook.
Sinabi ng Pangulo na may isa pang presidentiable na marami raw papatayin na si Duterte naman ang pinariringgan.
Hindi rin nakaligtas si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na ayon sa Pangulo ay gagawin umano ang tama subalit hindi maamin ang pagkakamaling nagawa noong nakaraan.
By Judith Larino