Kapag natutulog tayo, hindi ba mas gusto nating sakto lang ang temperatura—hindi masyadong mainit, hindi rin masyadong malamig.
Pero alam mo bang mayroong mga taong nagbabayad ng aabot sa $3,600 o P200,000 para lang matulog sa isang hotel na gawa sa yelo?
Ito ang Icehotel na matatagpuan 200 km north ng Arctic Circle sa Sweden.
Unang binuksan ang Icehotel noong 1989. Isa itong one-of-a-kind hotel and art exhibition dahil ang structure at amenities nito, gawa sa ice and snow na mula sa Torne River.
Kada taon, limang buwan lang nagbubukas ang Icehotel, mula December hanggang April. Bakit? Kasi natutunaw ito pagdating ng spring. Dadaloy ito pabalik sa Torne River.
Dahil nga natutunaw ang hotel, kailangan itong mano-manong i-rebuild gamit ang 30,000 tons of snow at 10,000 tons of ice mula ulit sa ilog.
Kung magche-check in ka sa Icehotel, matutulog ka sa kwartong may temperaturang -5 °C at sa kamang gawa sa yelo; pero huwag mag-alala dahil bibigyan ka naman ng warm sleeping bag.
Perfect accommodation ito para sa mga gustong makita nang personal ang makapigil-hiningang aurora borealis o northern lights.
Itinuturing din ang Icehotel na sacred place for weddings. Mayroon ang hotel na Ice Ceremony Hall na swak para sa mga gustong magkaroon ng intimate wedding.
Mahal man, pero para sa iba, isang experience of a lifetime na worth paggastusan ang pagbisita sa Icehotel.
Kaya kung may pagkakataon, gusto mo bang mag-check in sa hotel na gawa sa yelo?