Nakikipag-ugnayan na sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang may-ari ng asong pinatay at isinako sa Bato, Camarines Sur.
Matatandaang naging top trending topic sa social media ang #JusticeForKillua bilang panawagan sa hustiya para kay Killua, isang tatlong taong gulang na golden retriever.
Sa isang CCTV footage, makikita ang aso na hinahabol at pinaghahampas ng isang lalaki na kinilalang si Anthony Solares.
Kinompronta mismo ng may-ari ng aso na si Vina Rachelle Arazas ang lalaking nahagip sa CCTV.
Idinala sila ng suspek sa liblib na lugar kung saan tumambad ang bangkay ng asong isinilid sa sako.
Bukod sa PAWS na nag-alok ng tulong sa pagsasampa ng karampatang kaso sa suspek, nakikipag-ugnayan na rin si Arazas sa barangay.
Samantala, kinonenda ng netizens, kabilang na ang ilang personalidad tulad nina Kim Atienza at Sarah Geronimo, ang nangyaring krimen.