Nahaharap sa kasong kriminal ang 13 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na inakusahan ng pagkidnap sa 16 na Indians sa piskalya ng Pasay City.
Ang mga reklamo para sa kidnapping, arbitrary detention, grave coercion, robbery at extortion ay inihain laban sa mga opisyal ng B.I.
Ayon sa abogado ng mga nagrereklamo, ang mga Indian National ay iligal na ikinulong ng mahigit isang linggo sa kabila ng pagkakaroon ng kumpletong travel at working documents.
Sinabi ng abogado na nakipag-bargain pa ang mga biktima sa mga immigration officer para ibaba ang perang hinihingi sa kanila mula P1-M hanggang P350,000 bawat isa.
Samantala, ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nagsasagawa ng mga lehitimong operasyon ang B.I. laban sa mga Indian national na umano’y sangkot sa iligal na “5-6″ money lending scheme gayundin sa kidnapping at drug trafficking.
Depensa ng mga Indian na hindi nila nilabag ang batas sa imigrasyon ng bansa dahil mayroon silang mga working visa.
Gayunpaman, sinabi ni tansingco na ang mga dayuhang sangkot sa mga ilegal na aktibidad sa Pilipinas ay dapat arestuhin at i-deport kahit na mayroon silang working permit.