Napakahalaga sa pang-araw-araw nating gawain ang ating mga binti at kamay. Ngunit kaya mo bang isipin ang mangyayari sa iyo kung bigla na lang lumaki ang mga bahaging ito ng iyong katawan?
Ito ang reyalidad ng tatlong kakaibang indibidwal mula sa India. Hindi lang sila mayroong malalaking binti at kamay, kundi mayroon ding matibay na determinasyon na mabuhay nang maayos.
Dahil sa kanyang malalaking kamay na may habang 13 inches mula pulso hanggang dulo ng daliri, at may bigat na 2 kg bawat isa, natatakot ang ilang estudyante kay Mohammad Kaleem. Ito ang rason kung bakit hindi siya pinayagan ng paaralan na pumasok dito.
Gayunman, naghahanap siya ng lunas mula sa kanyang kakaibang kondisyon upang mabuhay nang normal.
“Devil child” naman kung tawagin si Bablu Pashi dahil sa napakalaki nitong kanang braso na may bigat na 20 kg. Lumipat siya sa Mumbai upang magpagamot at makahanap ng trabaho, ngunit dahil sa kanyang kondisyon, walang gustong tumulong sa kanya. Binubugbog at sinasabihan pa siyang umalis sa kanyang inaaplyan.
Pursigido siyang magpagamot upang makapagtrabaho at makapagpatayo ng sariling bahay.
Samantala, mayroon namang giant leg disease si Arun Rajasingh. May bigat mang 100 kg ang kanyang kanang binti, matagumpay siya sa larangan ng computer science and engineering.
Sa kabila ng mga hamon at diskriminasyon, patuloy na ipinapakita nina Mohammad, Bablu, at Arun ang kanilang katapangan at katatagan sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.