Viral ngayon sa social media ang isang batang lalaki na inaalagaan ang kanyang tuta sa gitna ng kalsada.
Sa video, mapapanood ang bata na dahan-dahang naglalakad, dala ang isang maliit na lalagyan na may lamang tubig. Ibinigay niya ito sa isang puting tuta na nasa ilalim ng pinagpatong-patong na karton.
Makikitang hindi maitago ng tuta ang kanyang excitement nang matanaw ang bata. Sa sobrang saya, aksidente pang nasira ang kanyang tinutuluyang karton na inayos din ng bata upang malimliman ito mula sa matinding sikat ng araw.
Agad namang bumuhos ng iba’t ibang reaksyon ang nakaaantig na video.
Ayon sa isang netizen, mayroong “purest heart” ang bata na nagtuturo sa mga nakatatanda kung paano maging responsible pet owner.
Sabi ng ilan, buti pa ang bata, may malasakit; hindi katulad ng ibang tao na hindi na nga nagpapakain sa aso, nananakit pa.
Samantala, lungkot ang naramdaman ng ilang mga netizen dahil nabigo ng lipunan ang magkaibigan.
Tanong pa ng isa, “Bakit kung sino pa ang salat sa yaman, sila pa mismo ang may kakayahang magbigay?”
Sa gitna ng nararanasang kahirapan sa kanyang murang edad, mayroon nang pagmamalasakit at pagmamahal ang bata sa ibang nilalang na hindi matutumbasan ng anumang halaga.
Sa kabila nito, dapat pa ring protektahan, tulungan, at bigyan ng oportunidad ang mga batang katulad niya dahil sila ang kinabukasan at pag-asa ng ating lipunan.