Lungkot ang naramdaman ng mga diver nang makakita ng isang pating sa New South Wales, Australia.
Mayroon kasing nakapalibot na malaking plastic ring sa katawan nito.
Ayon sa pahayag ng Forster Dive Center, nakasalubong ng mga maninisid ang kawawang grey nurse shark na sugatan dahil sa plastic ring na humihiwa sa katawan nito.
Dahil din sa ring na ito, nayupi ang isa sa mga palikpik ng pating.
Sa kasamaang palad, hindi pwedeng hawakan ng diver ang pating kaya hindi ito agad na natulungan.
Nangako naman ang New South Wales Department of Primary Industries na iimbestigahan nila ang insidente; ngunit posibleng mahirapan ang mga ito sa paghahanap sa partikular na pating.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), higit sa 400 million tons ng plastic ang napro-produce kada taon sa buong mundo. 14 million tons dito ang napupunta sa karagatan.
Ayon pa sa mga eksperto, pobileng mas dumami na ang basura kaysa isda pagsapit ng 2025 o sa susunod na taon.
Nakakaawa man ang sinapit ng grey nurse shark, hindi maikakailang ito na ang normal na nararanasan ng mga hayop sa karagatan dahil sa basurang itinapon natin. Kaya panawagan ng iba’t ibang grupo sa buong mundo, alagaan na ang mga karagatan dahil hindi lang naman ang mga hayop ang magdurusa sa pagkasira nito.