Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy niyang isusulong ang kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng pangako ng kanyang administrasyon na gawing sentro ng kapayapaan at kaayusan ang rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa 10th Anniversary of the Signing of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), inihayag ni Pangulong Marcos na mapapanatili ang long-lasting peace sa lugar pamamagitan ng pag-unlad.
Aniya, makikita ang tunay na kapayapaan kung mapalitan ng pag-unlad ang madugong digmaan.
Ginawang halimbawa ng Pangulo ang Camp Iranun kung saan ginanap ang nabanggit na pagdiriwang. Dati itong kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi kumpleto ang Bagong Pilipinas kung walang BARMM.
Dagdag pa niya, ang malakas na BARMM ay tumutukoy sa mas malakas na Mindanao. At kapag malakas ang Mindanao, tiyak na lalakas din ang buong bansa.