Napaluha na lamang ang isang ama mula sa Pulilan, Bulacan nang dalhin siya ng kanyang anak sa isang mamahaling restaurant upang ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang asawa.
Ayon sa anak at uploader ng video na si Rozelle Mariano del Pozo, hindi naghahanda ang kanyang ina tuwing nagbi-birthday ito. Dahil dito, nangako siya sa sarili na babawi siya at isu-sorpresa ang kanyang mga magulang.
Hindi pa nakapunta at nakakain ang mga magulang ni Rozelle sa nasabing restaurant, kahit malapit lang ito sa kanilang tirahan, dahil iniisip nilang masyadong mahal dito.
Ito ang nag-udyok sa kanya na ilibre rito ang kanyang mga magulang at iparanas ito sa kanila sa unang pagkakataon.
At nang dumating na ang araw na pinaghandaan ni Rozelle, napaiyak ang kanyang ama dahil wala raw siyang perang ipambabayad rito.
Ayon kay Rozelle, pera ang nasa isip ng kanyang ama dahil alam nito ang gastos ng kanyang pamilya para sa kanyang pagpapagaling mula nang inatake siya ng stroke noong 2022.
Ngunit agad namang napalitan ang mga luha ni tatay ng tears of joy nang malaman niya ang surprise treat ng kanyang anak na pinag-ipunan nito para sa kanilang mag-asawa.
Sabi nga ni Rozelle, hindi man sila perpektong magulang, sila pa rin ang mga taong iniingatan niya hanggang sa kanyang makakaya.