Kumbinsido ang isang preso mula sa Iowa State Penitentiary na si Benjamin Schreiber na dapat na siyang palayain mula sa habambuhay na pagkakabilanggo.
Pansamantala kasi siyang nag-flatline sa ospital bago ma-revive. Kaya aniya, napagsilbihan na niya ang kanyang life sentence dahil “namatay” na siya at nabuhay lang muli dahil sa resuscitation.
Nahatulang guilty si Benjamin sa first-degree murder noong 1997 dahil sa pagpatay sa isang lalaki gamit ang hawakan ng piko.
Noong March 2015, isinugod siya sa ospital dahil sa septic poisoning na sanhi ng kidney stones.
Sandaling tumigil ang pagtibok ng puso ni Benjamin sa ospital; limang beses siyang sinubukang buhayin.
Nang magamot ang kanyang sepsis, ibinalik din siya sa kulungan. Ngunit ayon kay Benjamin, labag sa kanyang kalooban ang pag-revive sa kanya dahil may nilagdaan siyang “do not resuscitate” order noon.
Hindi naman natinag ang korte sa argumento ng preso na inilarawan nila bilang “unpersuasive and without merit.”
Noong April 7, 2023, pumanaw si Benjamin sa edad na 70 years old.
Naging paalala ang kwento ni Benjamin na may katapat na parusa ang bawat paglabag sa batas at hindi ito basta lamang malulusutan.