Alinsunod sa kanyang pangako na walang maiiwan sa pag-unlad sa Bagong Pilipinas, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas marami pang mga proyektong pang-agrikultura ang ipatutupad ng pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa inagurasyon ng Malitubog-Maridagao Irrigation Project Stage II (MMIP II) sa Pikit, Cotabato, inihayag ni Pangulong Marcos na mas maraming serbisyo ang ilalaan ng pamahalaan sa mga mamamayan ng BARMM upang umangat ang antas ng pamumuhunan dito.
Inaasahang higit sa 4,000 na magsasaka ang makikinabang sa MMIP II kung saan papalo sa 110 na kaban ng bigas kada ektarya ang maaani.
Unang nabuo ang pagplano sa MMIP II bilang peace project sa panahon ng pamumuno ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
At ngayon, nabuo na ang naturang proyekto sa ilalim ng liderato ni Pangulong Marcos. Patunay ito sa pagsisikap niyang gawing economic hub ang lalawigan, mula sa pagiging warzone.
Ang hiling lamang ng pangulo sa mga makikinabang sa mga proyekto ng pamahalaan, alagaan ang mga ito upang magamit din ng mga susunod na henerasyon.