Matapos ang matagumpay na pilot implementation, ipatutupad na simula ngayong Hulyo 2024 ang Food Stamp Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa buong bansa.
Flagship program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Food Stamp na layong sugpuin ang kagutuman sa buong bansa.
Sa ilalim ng naturang programa, makatatanggap ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards ang mga itinuturing na food-poor families. Maaari nilang gamitin ang EBT cards upang makabili ng mga masusustansyang pagkain mula sa eligible partner merchant stores.
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, ipatutupad sa 10 rehiyon at 12 probinsya ang Food Stamp Program na inaasahang makatutulong sa initial target nitong 300,000 na pamilya.
Investment ng administrasyong Marcos ang Food Stamp Program dahil mabibigyan nito ng sapat na nutrisyon ang mga nagugutom na Pilipino. At kung mayroon na silang enerhiya, maaari na silang makapagtrabaho.
Sa katunayan, kailangang mag-enroll sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga benepisyaryo ng programa.
Hindi lang panandaliang solusyon ang Food Stamp Program. Hinihikayat na nito ang mga benepisyaryo na magtrabaho upang magkaroon ng sariling kakayahan na makapagbigay ng pagkain para sa kanilang pamilya; matutupad pa ang pangako ni Pangulong Marcos na tuluyang masugpo ang kagutuman sa buong Pilipinas.