Pinagdududahan ngayon ang pagkakakilanlan ng mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ito ay kasunod sa imbestigasyon tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa lugar.
Matatandaang noong February 2023, sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Central Luzon (CIDG-3) ang Hong Sheng Gaming Technology Inc., isang fraudulent cryptocurrency investment operation.
Nitong March 2024 naman, pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pag-raid sa Zun Yuan Technology Inc., isa sa pinakamalaking POGO compounds sa lalawigan na matatagpuan lamang sa likod ng Bamban Municipal Hall.
Nasangkot si Mayor Gou rito dahil naging incorporator at owner siya ng 50% shares ng Baofu Corporation, ang kumpanya na nagpaupa sa compound ng mga sinalakay na POGO.
Ngunit ayon sa alkalde, ibinenta na niya ang kanyang parte bago pumasok sa politika.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros kung posible nga bang isang Chinese national si Mayor Gou na naging instrumento sa pagpasok ng malalaking POGO firms sa bansa.
Nang tanungin sa pagdinig ng Senado ukol sa kanyang kapanganakan at edukasyon, sinagot ng alkalde na hindi niya alam at hindi niya ito matandaan.
Pinaghihinalaan ding 17-anyos na si Mayor Guo nang mairehistro ang kanyang kapanganakan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagkakakilanlan ng mayor at ang posibleng koneksyon nito sa China.