Makasaysayan ang naging pagkapanalo ni Sheynnis Palacios sa Miss Universe 2023 pageant dahil ito ang unang beses na nasungkit ng Nicaragua ang korona.
Katulad ng inaasahan, ipinagdiwang ng Nicaraguans ang matagumpay na pagkakakamit ni Sheynnis sa prestihiyosong titulo. Napuno ang mga kalsada ng mga masasayang residenteng iwinawagayway ang kanilang asul at puting watawat.
Ngunit tatlong araw lamang matapos ang koronasyon, kinondena ni Nicaraguan Vice President Rosario Murillo ang mga nakiisa sa selebrasyon dahil aniya, nais ng mga ito na gawin ang naturang pagdiriwang bilang isang “destructive coup.”
At ngayon, kinumpirma ng La Prensa, ang pangunahing pahayagan sa Nicaragua, na imposible nang makabalik sa kanyang sariling bansa si Sheynnis.
Nauna nang pinagbawalan ang pagbabalik ni Miss Universe Nicaragua national director Karen Celeberrti at ng kanyang anak sa kanilang bansa.
Ang hinala ng karamihan, may kaugnayan ito sa politika.
Matatandaang sa Miss Universe pageant, nagsuot si Sheynnis ng isang blue and white evening gown na kakulay ng kanilang national flag—ang simbolo ng oposisyon sa kasalukuyang pamahalaan.
Maihahalintulad rin sa imahen ni Virgin Mary ang naging kasuotan ng beauty queen na posible ring representasyon sa persecution at pagsugpo ng pamahalaan laban sa Simbahang Katoliko.
Bukod pa rito, nagtapos ng pag-aaral si Sheynnis sa isang kolehiyo na naging sentro ng protesta laban sa rehimen ni Nicaraguan President Daniel Ortega. Maging ang beauty queen ay nakiisa noon sa naturang protesta.
Sa kanyang grand welcome motorcade sa Pilipinas, hindi napigilan ng Miss Universe ang pagiging emosyonal, lalo na nang ibinigay sa kanya ang isang Nicaraguan flag.
Ayon naman sa mga netizen, “deserved” ni Sheynnis ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa kanya dahil hindi niya ito naranasan sa kanyang sariling bansa.
Nagpasalamat naman ang Miss Universe owner sa mga Pilipino sa kanilang pagpaparamdam sa beauty queen ng kabutihan, pagmamahal, at suporta.
Sabi nga nila sa kanilang social media post, “Home is not a place, it’s a feeling. Sometimes, you find that feeling in the most unexpected places.”