Malaking bagay para sa mga Pilipino sa Mindanao ang pagbisita at pamamahagi ng tulong sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang idiniin ni Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo na nagsabing sumasaya ang mga residente rito kapag nakikita si Pangulong Marcos dahil patunay itong hindi nalilimutan ng pamahalaan ang Mindanao.
Matatandaang nagpaabot ng tulong ang pangulo sa mga nangangailangan sa Cagayan de Oro kamakailan.
Bilang pagsisikap na ipatupad ang isang all-inclusive plan para sa pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa naturang lungsod.
Dito, namahagi ang pangulo ng higit sa P286 million na halaga ng mga serbisyo at tulong, katulad ng cash, scholarship, at livelihood assistance, para sa higit 30,000 beneficiaries kabilang ang mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño.
Bukod rito, ganap na naibalik ni Pangulong Marcos ang suplay ng tubig sa Cagayan de Oro sa tulong ng negosyanteng si Manuel Pangilinan.
Ayon sa pangulo, hindi niya hahayaang mapagkaitan ang mga residente na magkaroon ng sapat, malinis, at ligtas na suplay ng tubig dahil karapatan nila ito.
Sa panig naman Rep. Dimaporo, malaking tulong para sa kanila ang distribusyon ng ayuda ni Pangulong Marcos sa Mindanao dahil mayroong mataas na insidente ng kahirapan at kagutuman dito.
Inaasahan din ng mambabatas na matutuldukan na ang kagutuman sa lugar dahil sa mga programa at malasakit ng pangulo para sa mga magsasaka at mangingisda.