Viral ngayon ang isang babaeng kinukuhanan ng video ang sarili gamit ang isang selfie stick.
Katulad ng nakasanayan, nakangiti ang babae habang nakatingin sa kanyang camera. Ngunit sa kanyang likuran, makikita ang malakas na alon na papalapit na sa kanya.
Imbes na tumakbo palayo, patuloy ang babae sa pagkuha ng video, hanggang sa tuluyan na siyang natangay nito.
Agad na kumalat ang video sa iba’t ibang social media platforms at websites na kadalasang nagsasabing tsunami ang tumangay sa babae.
Ayon sa pagsusuri ng mga eksperto, hindi tsunami ang tumama sa pinangyarihan ng video, kundi isang tidal bore.
Nangyayari ang tidal bore dahil sa gravitational force ng buwan o araw na nagiging dahilan sa biglang pagtaas ng tubig na tinatawag nating high tide. Kung pumasok ang paparating na high tide sa mababaw o pahilis na ilog o estero, posibleng bumuo ito ng alon na tinatawag na tidal bore.
Ibang-iba ito sa tsunami na dulot naman ng seismic activities, katulad ng lindol o pagsabog ng bulkan.
Gayunman, delikado pa rin ang tidal bore. Sa dami ng mga namatay dahil dito, ilang warning signs na ang itinayo malapit sa mga ilog na kadalasang tinatamaan nito.
Isang halimbawa ang Qiantang River sa China. Sa kabila ng mga nakapalibot na babala, marami pa rin ang namamatay rito kada taon dahil sa pagwawalang-bahala.
Bagamat walang naiulat na nangyaring masama sa babae sa video, maging paalala sana ito na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan para lamang sa ilang minutong kasikatan sa social media dahil wala itong halaga kung kapalit naman nito ang iyong buhay.