Naging usap-usapan sa social media ang Instagram story ng isang babaeng “influencer” na nagsabing nag-arkila umano ang kanyang asawa ng Highway Patrol Group (HPG) escort upang makaiwas sa trapik.
Agad na bumuhos ng pambabatikos mula sa mga netizen at maging ng ilang personalidad ang post at pinuna ang entitlement ng babaeng kinilalang si Mary Joy Santiago.
Sa isang media briefing, ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakipag-ugnayan ang PNP-HPG sa babaeng sangkot sa isyu.
Noong una ay nakikipag-usap pa sa kanila si Santiago, ngunit ngayon, nagdadahilan na itong busy at maraming engagement.
Ayon sa PNP spokesperson, nakaladkad ang pangalan ng HPG dahil sa naturang post.
Dahil dito, intensyon ng Highway Patrol na sampahan ng kasong cyber libel ang babae.
Pagdidiin ng HPG, hindi nila kukunsintihin ang anumang pagkakasangkot o pag-endorso sa escort-for-hire services na lumalabag sa kanilang kasalukuyang protokol at regulasyon.
Dagdag pa ni Police Colonel Fajardo, mayroong serial number ang bagong uniform ng HPG. Mapapansing wala ito sa larawang ipinost ni Santiago. Wala ring markings ang side boxes ng motorsiklo nito.
Dalawang posibilidad ang tinitignan ng mga awtoridad: nagsuot ng HPG vest at nagpanggap na opisyal ang nasa larawan; o nakasabay lamang ni Santiago ang HPG official at ginawan ng content.
Patuloy man ang imbestigasyon sa isyung ito, maging paalala sana ito sa lahat na may kaakibat na responsibilidad ang paghahangad ng atensyon sa social media, lalo na kung hindi naman totoo ang impormasyong ipinakakalat.