Bagama’t 20 times na siyang inaresto ng mga pulis, hindi pa rin tumigil ang isang lalaki mula sa Spain sa pag-iwas sa pagbabayad ng kanyang bills sa mga kinainang restaurant sa pamamagitan ng pagpapanggap na inaatake siya sa puso.
Isa sa mga pinakahuling target ng Lithuanian scammer na si Aidas J. ang El Buen Comer, isang tapas and seafood restaurant.
Dito, umorder siya ng seafood paella at dalawang whiskey na nagkakahalaga ng $37 o P2,150.
Matapos kumain, tinangka ni Aidas na umalis, ngunit hinarang siya ng isang staff ng restaurant upang singilin ito sa kanyang bill.
Nagpaalam siya na kukuha muna ng pera sa kanyang tinutuluyang hotel. Nang hindi siya payagan ng staff, bigla siyang humandusay sa sahig na tila inaatake sa puso.
Hindi kumbisido rito ang staff, kaya agad itong tumawag ng mga awtoridad.
Pagdating ng mga pulis, kinumpirma nilang paulit-ulit nang ginagawa ng lalaki ang ganitong scam, at ilang beses na rin siyang nadakip dahil dito.
Ayon pa sa mga pulis, madalas nilang nahuhuling nakangiti ang suspek tuwing inaaresto. Paniniwala nila, walang pakialam si Aidas sa ilang araw na pananatili sa selda.
Sa kanilang batas, magtatagal lamang kasi ng anim na linggo ang pagkakakulong sa kasong minor crime of fraud.
Upang hindi na maulit ang krimen, ikinalat ng El Buen Comer ang larawan ni Aidas sa kanilang lungsod.
Nanawagan din ang iba pang restaurant owners na nabiktima ng scammer na ipakulong ito ng dalawang taon.
Sa hirap ng buhay ngayon, iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga tao para lamang mapunan ang kanilang kumakalam na sikmura; ngunit sa halip na manloko, mas maigi pa ring humanap ng patas na paraan upang matugunan ang anumang pangangailangan.