Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng presidential assistance para sa mga magsasaka, mangingisda, at pamilyang apektado ng El Niño sa Butuan City.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa epekto ng El Niño dahil aniya, susi ito sa pagkamit ng Bagong Pilipinas.
Dahil dito, nagpaabot ang Office of the President (OP) ng P46.84 million na tulong sa lokal na pamahalaan ng Butuan.
Sa ilalim naman ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakatanggap ng P10,000 cash assistance ang 4,650 beneficiaries ng Agusan del Norte; gayundin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Nagbigay rin ang Office of the Speaker of the House ng limang kilong bigas para sa bawat benepisyaryo.
Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos na tuloy-tuloy ang pagbuhos ng tulong ng kanyang administrasyon para sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.