Tuluyan nang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P16.1-B budget para sa infra flagship projects ng bansa, kabilang ang National Broadband Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinasabing ito’y bilang tugon sa mga panawagan sa pamahalaan na mag-invest pa sa pag- upgrade sa digital connectivity ng bansa.
Ayon sa NEDA, ang inaprubahang pondo ay ilalaan para sa Philippine Digital Infrastructure Project, kabilang ang adjustment cost para sa parameters ng siyam na iba pang isinasagawang gov’t. projects.
Sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na ang pag-apruba sa budgetary allotment para sa broadband program ng DICT ay magpapabilis sa pag-upgrade sa broadband connectivity, partikular sa geographically isolated and disasvantaged areas (GIDAs) o remote barangays sa bansa.
Paliwanag ng opisyal, ang pagpapalakas sa cybersecurity ay bahagi rin ng layunin ng malaking digital infra project allocation.
Napag-alaman na pangunahing layunin ng P16.1-billion PDIP funds, na tutustusan sa pamamagitan ng official development assistance mula sa World Bank, na palakasin ang broadband connectivity ng bansa at magdala ng high speed internet links sa hanggang sa GIDAs.
Bukod pa rito, layunin din nitong palawakin ang vital digital infrastructure ng bansa upang pag-ugnayin ang digital divide sa mga indibidwal, kabahayan at negosyo,
pasiglahin ang private sector investments, at palakasin ang kapasidad para sa cybersecurity at sa pagprotekta ng critical information infrastructure.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo, nanawagan ang World Bank sa pamahalaan ng Pilipinas na dagdagan ang investment sa broadband infrastructure dahil ang bansa ay patuloy na napag-iiwanan ng Asian neighbors nito pagdating sa internet speed, affordability at access, na lumilikha ng hindi pantay na landscape para sa digital participation.
“The Philippines needs reforms and increased investment in broadband infrastructure,” ayon sa report ng World Bank.
Ang proyekto, na nakaangkla sa National Broadband Program, isang flagship initiative ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ay kinasasangkutan ng konstruksiyon ng isang public broadband infrastructure network sa buong arkipelago.
Binubuo ng limang major components ang network na ito na kinabibilangan ng backbone network, middle-mile network, access network (last-mile), network security at project management support.
“Broadband services have already opened up numerous opportunities for Filipinos, from work-from-home arrangements to digital access to critical public and private services, including the latest technological tools such as artificial intelligence. This project will also enable us to connect more Filipinos to markets and networks, spurring economic development,” pagbibigay-diin ni Balisacan.
Samantala, inaprubahan din ng NEDA Board ang adjustments sa iba’t ibang isinasagawang infrastructure projects na may kaugnayan sa pagpapalakas ng internet connectivity.
Ipinunto ng kalihim na ang mga pagbabago ay kinasasangkutan ng project scope, cost, pagpapalawig ng implementation period at loan validity.
“The adjustments to these ongoing infrastructure projects were necessary to ensure their successful completion, advancing our national efforts to expand and upgrade our infrastructure, improve connectivity, and create more jobs,” ani Balisacan.