Sa video, makikita ang isang limang taong gulang na batang lalaki mula sa Thung Song, Thailand na umiiyak habang nakatayo sa starting line kasama ang kanyang ina.
Kalahok ang bata sa karera, ngunit sa hindi malamang dahilan, ayaw na nitong sumali.
Ilang segundo bago magsimula ang karera, nakaisip ang ina ng strategy upang mapatakbo ang kanyang anak: kumaripas ng takbo papalayo sa bata.
Gaya ng inaasahan, mabilis na hinabol ng bata ang kanyang ina habang umiiyak.
Sa sobrang bilis, siya pa ang nauna sa finish line! Agad siyang sinalubong ng yakap ng kanyang ina.
Napalitan naman ng ngiti ang mga luha ng bata nang umakyat ito sa entablado upang sabitan ng medalya.
Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mga netizen ang naturang video. Marami sa kanila ang kinagiliwan ang pangyayari. Ang pabirong sabi ng ilan, pruweba ito na makakamit mo ang iyong goals kung susundan mo lang ang iyong ina.
Gayunman, pinuna ng iba ang pagpilit at tila pagbalewala ng ina sa nararamdaman ng kanyang anak na siyang nag-udyok sa diskusyon ng mga netizen tungkol sa pagkakaiba ng parenting styles ng Asya at Western countries.