Bilang pagsisikap na pataasin ang national birth rate sa Japan, maglulunsad ang pamahalaan ng Tokyo ng sarili nitong dating app.
Layon ng “Tokyo Futari Story” app na paramihin ang couples o futari sa bansa kung saan mas pangkaraniwan na ang pagiging single o hitori.
Bago makapag-sign in, kailangan munang mag-submit ng documents ang users na nagpapatunay na sila ay legally single.
Common sa regular dating apps sa Japan ang paglalagay ng sahod, ngunit ire-require sa Tokyo Futari Story app ang pagpasa ng tax certificate slip upang malaman ang annual salary ng user.
Bukod rito, sasailalim pa sa interview ang user upang kumpirmahin ang identity nito.
Pipirma rin sila sa isang liham kung saan nakasaad na handa silang magpakasal.
Hindi na bago para sa mga munisipalidad sa Japan na mag-organisa ng matchmaking events dahil sa patuloy na pagbaba ng birth rate sa magkasunod na walong taon.
Sa katunayan, noong 2023 naitalang higit pa sa doble ang bilang ng mga namatay kumpara sa mga isinilang sa Japan.
Para sa Tokyo City Hall, “gentle push” lamang ang kanilang app upang makahanap ng partner ang mga residente.
May ilan mang interesado dahil tila mas ligtas sa dating app na dinevelop mismo ng kanilang pamahalaan, marami rin ang nag-aalinlangan kung dapat ba itong paggastusan gamit ang tax ng taumbayan.