KAHIT maituturing na isang positibong hakbang ang dagdag na P35 sa minimum wage sa Metro Manila ay hindi ito sasapat para sa araw-araw na gastusin ng mga manggagawa.
Giit ni Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, isinaalang-alang din ng National Capital Region-Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa pagppasya sa wage hike ang kakayahan ng mga employer.
Sinabi ni Javier na sa mga susunod na dagdag-sahod, dapat ay sapat na para sa mga nagtatrabaho, at “sustainable” o mapapanatili at masusuportahan ng mga employer at nagnenegosyo.
Mas mainam din aniya kung magkakaroon ng regular at napapanahong pagsusuri at pagdaragdag sa minimum wage rates.
Subalit maliban sa wage increase, sinabi ng Trabaho Partylist na marami pang hakbang na kailangang gawin ng gobyerno para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Kamakailan, sinabi ng grupo na hindi dapat nakadepende lamang sa dagdag-sahod para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Binigyang-diin na kinakailangan na madagdagan at mapabuti pa ang mga non-wage benefits, kagaya ng health insurance, pagbibigay ng regular na training at job upskilling, at pagpapalawig ng paid leaves at flexible working arrangements para sa mga manggagawang higit na nangangailangan nito.