Kahit na maraming ebidensya na nagpapatunay na inosente ang hydrologist na si Alexander Tsvetkov mula sa Russia, mas pinili pa rin ng mga awtoridad na arestuhin siya dahil sa kanilang artificial intelligence (AI) system na nagtuturo sa scientist bilang murderer.
Nakasakay na sa eroplano si Alexander nang bigla siyang pababain ng mga opisyal. Dito ipinaalam sa kanya na natukoy siya bilang suspek sa nangyaring pamamasalang, mahigit 20 taon na ang nakalilipas.
Ayon sa investigators, pumaslang si Alexander at ang kasabwat nito ng apat na indibidwal sa Moscow noong August 2, 2002.
Marami sa mga kasamahang scientist ni Alexander sa Russian Academy of Sciences Institute of Inland Water Biology ang tumestigo at sinabing malayo siya sa pinangyarihan ng krimen nang maganap ang pagpatay.
Maging ang research institute ay kinumpirma na nasa business trips sa Vologda at Kostroma si Alexander ng mga panahong iyon, ngunit ipinagsawalang-bahala ito ng mga awtoridad.
Lumabas kasi sa kanilang AI program na nag-match ng 55% ang mukha ng scientist sa sketch ng suspek na iginuhit ng isang witness mahigit dalawang dekada ang nakararaan.
Dahil dito, ikinulong si Alexander.
Mabilis na kumalat sa Russia ang balita. Maraming nanawagan sa kanyang paglaya; maging ang kanilang presidente na si Vladimir Putin ay nangialam na sa kaso.
Makalipas ng 10 buwang pagkakakulong, pinalaya rin si Alexander.
Ayon kay Putin, epektibo man ang AI sa iba’t ibang larangan, kailangan pa ring pag-aralan ang mga pagkukulang at pagkakamali nito.
Patunay ang kwento ni Alexander sa limitasyon ng AI, partikular na sa imbestigasyon ng krimen. Bagama’t malaki ang tulong nito, dapat pa ring magkaroon ng maingat na pagsusuri sa ganitong kaso upang mabawasan ang pagkakamali at maiwasan ang pagkasira ng buhay ng isang inosenteng tao.