Isang kakaibang insidente ng road rage ang nasaksihan sa isang viral video.
Batay sa ulat, isang bus ang nag-counterflow at nakasalubong ang isang truck.
Sa halip na magbigayan sa daan, pareho silang nagmamatigas at hindi umaalis, dahilan upang hindi umusad ang trapiko.
Ilang saglit lamang, biglang lumabas ang konduktor ng bus at iniabot ang isang supot ng chicharon sa driver ng truck!
Bagama’t nagpakumbaba na ang konduktor ng bus sa pamamagitan ng pagbibigay ng peace offering, hindi ito tinanggap ng truck driver at hindi pa rin sila pinagbigyan sa kalsada.
Sa kalaunan, pareho namang nakausad ang dalawang sasakyan, ngunit patuloy pa rin ang pagbuhos ng reaksyon mula sa mga netizen na nakapanood ng viral video.
Pabirong kwinestiyon ng ilang netizen ang peace offering ng konduktor dahil anila, naha-high blood na nga ang truck driver, binigyan pa ng chicharon!
Hula ng ibang netizen, baka tanggapin ang chicharon kung may kasama itong suka o kaya alak.
Seryoso naman ang komento ng iba na nagsasabing sana laging ganito ang road rage, ‘yung nagpapakumbaba ang may kasalanan. Sabi nga ng isang netizen, “Choose to be kind, instead of being right.”