Bata pa lamang, malalim na ang pananampalataya sa Diyos ni Jonathan Sia, 23-anyos mula sa Cebu City.
Nang magkolehiyo, naging youth leader siya sa isang simbahan kung saan niya tinuruan ang mga bata tungkol sa mga aral sa Bibliya.
Masipag din mag-aral si Jonathan at sa katunayan, nagtapos siya ng kursong Marketing Management bilang Magna Cum Laude. Sa kasamaang-palad, hindi na siya nakadalo sa kanyang graduation dahil naospital siya, at sa kalaunan, binawian ng buhay.
Ngunit ilang sandali bago pumanaw, isang mahalagang mensahe ang ibinahagi niya sa kanyang magulang. Ito ay, “Jesus is real.”
Ayon sa kanyang amang Joel Sia, tinatapos ni Jonathan ang kanyang thesis noong Mayo at posibleng dahil sa stress at kakulangan sa tulog, nagkaroon ito ng lagnat at diarrhea.
Hunyo 21 nang i-admit si Jonathan sa ospital. Sa kabila ng iniindang sakit, ibinabahagi niya pa rin ang salita ng Diyos sa mga doktor at nars sa ospital.
At nitong Hulyo, nasawi si Jonathan.
Bago i-resuscitate, sumesenyas siya sa kanyang ama na tila may ibang taong nakikita.
Dahil hindi maintindihan, inabutan ni Joel ang anak ng papel at ballpen. Bago ideklara ng mga nars ang code blue, malinaw niyang isinulat ang mga katagang, “Jesus is real.”
Naniniwala si Joel na nakita ni Jonathan si Hesus, dahil napansin umano ng kanyang asawa ang napakaliwanag na ilaw at isang kamay na humahawak sa kanyang anak habang nakangiti.
Pagbabahagi nga ni Joel, “God answered our prayers differently and we trust that He knows better. He knows what’s best for us.”