Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na magbigay ng agarang tulong para sa mga magsasaka, mangingisda, at livestock raiser na nasalanta ng bagyong Carina at habagat sa Central Luzon.
Sa isang briefing na ginanap sa Malolos, Bulacan, sinabihan ni Pangulong Marcos ang DA na gawing prayoridad ang pamamahagi ng mga punla, fingerling o maliliit na isda, at brood sow o inahing baboy, para sa mga biktima ng nagdaang kalamidad.
Ayon sa pangulo, kailangang habulin ang planting season upang maprotektahan ang hanapbuhay sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos sa Bulacan, Bataan, at Pampanga upang alamin ang lawak ng pinsala ng bagyo at ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.