Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking kinilalang si Wu mula sa Shenzhen, Guangdong, China.
Kinailangan niya kasing sumailalim sa operasyon upang tanggalin ang kanyang kaliwang mata.
Ang dahilan? Pagpatay sa langaw na dumapo sa kanyang mukha!
Isang oras matapos hampasin ang langaw, nagsimulang mamaga at mamula ang kaliwang mata ni Wu.
Agad siyang nagtungo sa ospital, kung saan siya na-diagnose na may seasonal conjunctivitis o seasonal allergy.
Sa kabila ng pag-inom ng gamot, mabilis na lumala ang kondisyon ni Wu. Makalipas ang ilang araw, halos mawalan na ng paningin ang kanyang kaliwang mata.
Lumabas sa karagdagang pagsusuri na ang allergy niya ay talagang bacterial infection mula sa dumapo sa kanyang drain fly.
Sa kasamaang palad, hindi na mapigilan ng gamot ang pagkalat ng impeksyon. At dahil nanganganib nitong maapektuhan ang kanyang utak, tinanggal na lamang ng mga doktor ang kanyang kaliwang eyeball.
Pinayuhan naman ng mga eksperto ang publiko na kung may lumipad na insekto malapit sa mukha, huwag itong hampasin at sa halip, tabuyin na lamang.