Nagkasa ng simultaneous prayer rally ang mga residente sa apat na barangay sa bayan ng Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte makaraang lusubin, paputukan, at pagnakawan ng hindi pa nakikilalang mga armadong grupo.
Nabatid na nangyari ang pag-atake noong July 24, 2024 sa Barangay Mompong; Linek; Badak, at Kusiong.
Nanawagan naman si Evelyn Matoc, isa sa mga bakwit, sa pamahalaan na lutasin ang kaguluhan sa kanilang bayan.
“Narito tayong mga inosenteng sibilyan, hindi natin alam bakit narito tayo. Dati na tayong biktima ng Typhoon Paeng, marami na ang nalagas na buhay, kabuhayan ang naapektuhan, at ang isang pinakamasakit ay ang ating mga anak na dapat sana nasa paaralan na nag-aaral. Dito sa evacuation center talaga, kaliwa’t kanan ang nagkakasakit. Sa ating pamahalaan, sana po ay malutas na itong kaguluhan sa aming lugar,” ani Matoc.
Una nang kinondena ni Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat ang pang-aabusong ginawa ng mga armadong grupo sa kanilang bayan.
“Maraming mga inosenteng tao na naman ang napilitang magsilikas sa kanilang mga tahanan at manatili sa iba’t ibang evacuation centers upang makaiwas sa kaguluhang ito. Nagbigay ako ng guidance at instruction sa ating kapulisan sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station at kasundaluhan ng Philippine Army na sugpuin ang pag-atake sa katahimikan at seguridad ng ating bayan at siguraduhin managot ang lahat ng sangkot dito.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng Special Municipal Peace and Order Council Meeting ng alkalde noong July 27, 2024 kasama ang PNP, AFP, barangay officials at iba pang stakeholders, upang talakayin at hanapan ng agarang solusyon ang panggugulo ng mga armado sa apat na coastal barangay ng Datu Odin Sinsuat na nagresulta sa paglikas ng mga sibilyan.
“Kung dahil lang din sa plebiscite, plebiscite ‘yan siya. Tanungin lang halimbawa kung matuloy ‘yan, tatanungin lang naman ang tao kung papayag ba sila o hindi. So hindi na kailangan ganyan gagawin nila dahil kung sa plebiscite lang hindi na nila kukunin ‘yung gamit ng mga tao. Sana magkaroon ng additional na detachment ang PNP at ang ating military,” wika ng alkalde.
Hinimok din ni Sinsuat ang PNP at AFP na imbestigahan at panagutin sa batas ang mga armadong grupo nang mapanatili ang seguridad sa kanilang bayan lalo na’t nangyari aniya ang kaguluhan matapos i-anunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na matutuloy ang plebisito na maghahati sa Datu Odin Sinsuat sa tatlong maliliit pang munisipalidad.
Napag-alaman na ang desisyong ito ng Comelec ay isinapubliko sa gitna ng mga kasong nakabinbin sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa legalidad at constitutionality ng authority ng Bangsamoro Regional Parliament na magkaroon ng dibisyon at bukod na panibagong munisipyo.
Samantala, wala naman nakikitang indikasyon ang PNP na may kinalaman sa nalalapit na plebisito ang nangyaring gulo sa Datu Odin Sinsuat noong isang linggo.
Pahayag ni PNP Pubic Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, normal na muli ang sitwasyon sa lugar at nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas na residente.
“Wala tayong na e-establish. There is no indication na ito ay intended to disrupt or influence itong papalapit na plebiscite but nonetheless to prevent similar incidents ay nagtatag na ‘yung RMFB at PMC para maiwasan ‘yung mga ganito[ng insidente],” pahayag niya.
Ayon pa kay Fajardo, bagama’t patuloy pang inaalam kung anong grupo ang nasa likod ng karahasan, iginiit ng local police na tila nais lamang nitong manakot sa mga sibilyan sa lugar.