Ikinalugod at lantarang pinuri ng Trabaho Partylist ang kasalukuyang economic policy ng Marcos administration ngayong nakamit muli ang makasaysayang “all-time low” na unemployment rate ng Pilipinas.
Para sa grupo, napagtagumpayan pa lalo ng administrasyon ang direksyon nito sa ekonomiya matapos makamit ang ikalawang pinakamataas na Gross Domestic Product (GDP) growth sa buong mundo.
Giit ni Atty. Filemon Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, hindi maitatanggi kung gaano kahirap ang mga minanang pandaigdigang hamon kaya’t malinaw na tama ang tinatahak na polisiya ng administrasyon.
Ayon kay Javier, pumalo na ng 96.9% ang employment rate base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bagay na ikinatuwa ng grupo dahil nakahanay ito sa mga plataporma nilang pagpapalakas ng kalidad ng trabaho, disenteng sahod at maayos na non-wage benefits.
Binanggit ni Javier ang kahalagahan ng “Build Better More” infrastructure program ng Marcos administration makaraang i-ulat ng PSA na nagkaroon ng tinatawag na construction boom.
Paliwanag ng PSA, nakapagtala ito ng pinakamataas na 16.1% increase sa Gross Fixed Capital Formation sa industriya ng konstruksiyon noong second quarter ng 2024, na ayon sa Trabaho Partylist, ay dapat may tamang pagkilala sa mga masisipag na Pilipinong manggagawa.
Maliban dito, kinilala rin ng grupo ang tagumpay ng administrasyon matapos madagdagan ng halos isang milyon ang trabaho sa bansa kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon.
Subalit binigyang-diin ni Javier na dapat pa ring tutukan ang pagkontrol sa inflation at pagpapaganda ng kalidad ng trabaho, na kabilang sa mga “most urgent national concerns” ng mga mamamayan.