“Caloy, dito Papa mo.”
Sa kabila ng kinahaharap na isyu ng pamilya ni “Golden Boy” Carlos Yulo, pinatunayan pa rin ng kanyang amang si Mark Andrew Yulo na siya pa rin ang number 1 fan ng anak.
Sa ginanap na Heroes’ Parade para sa mga atletang Pinoy na lumahok sa prestihiyosong 2024 Paris Olympics, nakipagsiksikan si Mark sa libu-libong nakaabang sa gilid ng kalsada upang masilayan lamang ang anak na nanalo ng dalawang gintong medalya.
Batay sa mga ulat, pinili ng pamilyang Yulo na manatili sa kanilang bahay sa kalapit na Leveriza Street sa halip na dumalo sa parada. Hindi rin kasi pinayagang sumakay sa float ang pamilya ng mga atleta.
Gayunman, gumawa pa rin ng paraan si Mark upang ipakita sa anak ang kanyang buong suporta sa pamamagitan ng paggawa ng malaking banner.
Buhat-buhat pa siya kanyang mga kaibigan habang masayang nagchi-cheer sa kanyang anak na nagbigay ng malaking karangalan sa Pilipinas.
Labis namang natuwa si Caloy sa ginawang effort ng kanyang ama. Sa isang Facebook post, sinabi niyang masaya siyang makita ang ama na nakasuporta sa kanya. Humingi rin siya ng tawad sa hindi masyadong pagkaway dahil maraming taong nagpapa-autograph sa kanya.
Ngunit pangako ni Caloy sa kanyang ama, “Kitakits soon, Pa.”
Sa likod ng bawat tagumpay, mayroong isang ama na tahimik lamang, ngunit buong pusong nakasuporta sa kanyang anak at proud na ipagsigawan sa mundo na, “Anak ko yan, at mahal ko yan!” At ito ang ipinakita ni Mark Yulo.