Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakuhang credit rating ng Pilipinas na A-minus mula sa Japan-based Rating and Investment Information, Inc. (R&I)
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Pangulong Marcos na ito ang pinakamataas na rating na nakamit ng bansa. Aniya, patunay ito na malakas ang kumpiyansa ng investors sa sigla ng ekonomiya ng Pilipinas.
Paliwanag ng pangulo, makatutulong ang upgrade sa credit rating na mapababa ang borrowing costs. Sa halip na gumastos ang pamahalaan upang magbayad ng interes, magagamit ito para sa iba’t ibang pampublikong serbisyo katulad ng imprastraktura, healthcare facilities, at pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Dagdag pa niya, mas dadami ang negosyo na magdadala ng kalidad na trabaho at mas mataas na kita dahil sa pagpapabuti ng credit rating.
Pangako ni Pangulong Marcos, patuloy siyang magsisikap upang matiyak na makikinabang ang bawat Pilipino sa paglago ng ekonomiya, hanggang sa tuluyang mapuksa ang kahirapan sa bansa.