Ipinanawagan ng isang grupo ang agarang paglalatag ng mga health at safety protocols kontra mpox upang maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipinong manggagawa.
Ito ang pahayag ni Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng unang kaso ng mpox ngayong 2024.
Nakakabahala aniya ang ulat nito kaakibat ng deklarasyon ng World Health Organization ng isang “global health emergency” dahil sa pagkalat ng mpox sa iba’t ibang bansa.
Sa panig ng Trabaho Partylist, hindi na dapat maulit ang mga pagkakamali noong COVID-19 pandemic kaya’t dapat magtulungan na ang pamahalaan, taumbayan, at mga negosyante.
Giit ni Javier, dapat nang mag-usap ang DOH at Department of Labor and Employment (DOLE) para ilatag sa mga manggagawa ang mga dapat gawin at iwasan upang kontrahin ang pagkalat ng mpox.
Sabi pa ng tagapagsalita ng grupo, dapat ding mag-activate ng mga internal protocols ang mga employer bilang mabilis na pagresponde kung sakaling magkaroon ng kaso ng mpox sa kanilang mga opisina.
Kasabay nito, nananawagan din si Javier sa mga manggagawa na agarang kumonsulta sa medical professionals kung makaramdam sila ng sintomas ng mpox.
Mahalaga rin aniya na manatiling nakatutok ang mga manggagawa sa mga anunsyo ng DOH.