17 katao ang isinugod sa ospital matapos na tumagas ang isang tangke ng kemikal sa loob ng junk shop habang nagsasagawa ng paglilinis sa Cabuyao City, Laguna.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay dinala sa ospital matapos makaranas ng pagkahilo at hirap sa paghinga matapos makalanghap ng sinasabing kemikal na tumagas.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, nagsagawa ng general cleaning ang mga tauhan sa loob ng junk shop at habang inililipat nila ang isang tangke ng metal cylinder ay biglang tumagas ang kemikal o likido na nagmumula rito na nagdulot ng pagsingaw ng mabahong amoy.
Agad na lumikas ang mga tao sa lugar dahil sa hindi makayanang amoy at hirap sa paghinga kung kaya agad silang dinala sa pagamutan.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng fire investigator na ang substance ay pinaghihinalaang chlorine-based chemical.
Sa kabila nito, nasa stable na kondisyon ang mga biktima ng chemical leak at iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.