“Nonsense” o kalokohan ang mga paratang na kasosyo umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang illegal Chinese gambling operators dahil mismong ang presidente ang nag-utos na ipagbawal ang kanilang operasyon.
Ito ang iginiit ng mga personalidad na kilalang-kilala si Pangulong Marcos. Anila, “accommodating” lamang ang pangulo sa mga nais na magpakuha ng litrato sa kanya, hindi lamang sa mga guest, kundi pati sa mga waiter at waitress ng Hao Hao Restaurant.
Ayon kay Ricky Alfonso na kilala si Pangulong Marcos sa loob ng 50 taon, humiling lamang ang Chinese customers na magpa-picture kay First Lady Liza Araneta-Marcos at Pangulong Marcos na noong panahong iyon ay hindi pa kumakandidato bilang lider ng bansa.
Kwento naman ng food business operator at kaibigan ng pangulo na si Sandy Daza, nais lamang ng illegal Chinese gambling operators na magpakuha ng litrato kay Pangulong Marcos at kaagad rin silang umalis.
Ganito rin ang salaysay ni Pepe Ortega na present din sa nasabing restaurant. Ayon sa malapit na kaibigan ng pangulo nang higit 40 taon, kumain lamang sila sa restaurant at mayroong humiling sa kanilang magpa-picture kasama ang “rockstar” na si Pangulong Marcos.
Pagdidiin naman ni Noel Patrick Prudente na matalik na kaibigan ni Pangulong Marcos at ng unang ginang, kinuha ang malisyosong larawan na kumakalat ngayon sa social media bago pa man siya naihalal bilang presidente.
Aniya, palaging nakakahanap si Pangulong Marcos at ang kanyang mga kaibigan ng oras para sa publiko, anuman ang katayuan nila sa lipunan, dahil sa taglay nilang kabaitan.