Matatandaang naging mainit na usapin sa social media noong Hulyo ang pagpapatayo ng transwoman na si Jude Bacalso nang halos dalawang oras sa waiter ng isang restaurant bilang parusa.
Ang dahilan? Tinawag ng waiter si Bacalso na “sir” kahit naka-make up at damit pambabae ito.
Ngayon, muling nabuhay ang nasabing isyu dahil nagsampa na ng hindi lamang isa, kundi limang kaso, ang 24-anyos na waiter laban sa transwoman.
Pormal na inihain ng waiter ang mga kasong unjust vexation, grave scandal, grave threats, grave coercion, at slight illegal detention laban kay Bacalso sa Cebu City Prosecutor’s Office.
Bukod rito, nagsampa rin ang lalaki ng labor case laban sa restaurant na pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ron Ivan Gingoyon, hanggang ngayon ay na-trauma ang waiter sa ginawang parusa sa kanya ni Bacalso.
Kinumpirma ito ng psychological evaluation, kung saan lumabas na nakararanas ang waiter ng traumatic stress reactions dahil sa nangyari.
Bagamat tinutulungan siya upang maka-rekober, malaki ang naging epekto ng naranasang pamamahiya sa mental health ng biktima. Halos araw-araw siyang umiiyak at natatakot na magpakita sa mga tao dahil sa takot na mapahiya at kutyain.
Ang pagiging waiter sa restaurant na iyon ang unang trabaho ng biktima. Dahil ayaw niyang mawalan ng pagkakakitaan, nanatili siya sa kanyang kinatatayuan habang pinagagalitan ng transwoman. Ngunit napagdesisyunan niya ring umalis sa restaurant sa kalaunan dahil hindi na siya kumportable rito.
Pinayuhan naman ang waiter na sumailalim sa psychoeducation na nakatuon sa trauma at kung paano tugunan ang stress reactions nito.
Dagdag pa ng abogado, humingi man ng tawad si Bacalso sa pamamagitan ng social media, wala itong ginawa upang makipag-ugnayan sa biktima at ayusin ang isyu.