Patay ang isang delivery rider habang kritikal ang kasama nitong babae matapos silang harangin at tangayin ng limang armadong lalaki na nagpakilalang mga pulis sa Carmona, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si John Mark Cruz Samonte, Delivery Rider, habang inoobserbahan sa ospital ang kasama nitong babae na si Marithe Ashley Tila, isang Online Seller.
Ayon sa pulisya, sakay umano ang mga biktima ng itim na sasakyan nang bigla silang harangin ng isang itim na kotse lulan ang mga suspek.
Mabilis umanong sumakay ang isa sa mga suspek sa sasakyan ng mga biktima saka sila tinangay.
Hindi pa man sila nakalalayo, bigla umanong pinababa ng suspek ang dalawang biktima saka pinagbabaril na bumulagta sa daan.
Agad na sumibat ang mga suspek tangay rin ang sasakyan ng mga biktima.
Patuloy namang nagiimbestiga ang mga pulis kasabay ng backtracking sa mga cctv sa lugar para matunton ang mga salarin.