Patay ang isang lalaki matapos umanong pagtulungan pagsasaksakin ng mag-ama makaraan ang pagtatalo dahil sa larong pool sa Pamplona, Cagayan.
Kinilala ang biktimang si Francis Mangibunong, 20-anyos.
Nadakip naman ang mag-amang suspek na kinilalang sina Rexie Baluscang, 52-anyos at anak nitong si Richtofen Baluscang, 22-anyos.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen naglalaro ng pool ang biktima at isang James Mangrubang at natalo ang isa sa mga ito na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Habang nasa gitna ng pagtatalo sumali ang suspek na si Richtofen na humantong sa suntukan at nasugutan sa ulo.
Mabilis na tumakbo pauwi sa kanilang bahay ang batang suspek at nagsumbong sa kanyang ama at pagbalik ng mga ito may bitbit na kutsilyo at pinagsasaksak sa dibdib ang biktima.
Dinala pa sa ospital ang napuruhang biktima subalit idineklara itong patay ng umatending doktor.
Dahil sa konsensya, sumuko ang mga suspek sa pulis na nahaharap sa kasong homicide.