Muling ipinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangako ng kanyang administrasyon na maging transparent at transformative sa ginanap na Ceremonial Endorsement ng Public Financial Management (PFM) Reforms Roadmap 2024-2028.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na magtatakda ng malinaw na mandato ang naturang roadmap upang masigurong mapupunta sa mga mahahalagang proyekto at programa ang perang ipinagkatiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
“With this roadmap, we give a clear mandate of ensuring that the money entrusted to us by the people serves a purpose that truly matters, that will make a difference,” ani ng pangulo.
Nilikha ang PFM Reforms Roadmap 2024-2028 sa bisa ng Executive Order No. 29 na inilabas ni Pangulong Marcos noong June 2023.
Layon ng repormang ito na baguhin ang paraan ng pamamahala ng pondo ng publiko at resources ng bansa upang matiyak na mayroong accountability, efficiency, at transparency ang mga tanggapan ng gobyerno sa paggamit nito.
“With the strong support of our partners, especially with the ADB [Asian Development Bank], I am confident that the PFM Reforms Roadmap—anchored on the Philippine Development Plan 2023-2028—will lead the nation to a higher growth trajectory, and ultimately, to reducing poverty and achieving genuine prosperity,” dagdag pa ng pangulo.