Nagpasaklolo na si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque sa Korte Suprema para pigilan ang kautusan ng quad committee ng kamara na ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa inihaing petisyon sa Supreme Court sa pamamagitan ng anak ni Atty. Roque na si Bianca Hacintha Roque, hiniling nito na maglabas ng Writ of Amparo at Temporary Protection Order upang pagbawalan ang Quad Comm na ipatupad ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanyang ama, pagbawalang padaluhin ito sa pagdinig at pagsumitihin ng mga dokumento.
Iginiit ng anak ni Atty. Roque na nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan ang Quad Comm, at inabuso rin ng mga ito ang legislative power na mag-imbestiga, na dapat ay nasa ehekutibo at hudikatura.
Matatandaang pinaaaresto ng kamara si Atty. Roque matapos siyang ipa-cite in contempt dahil sa hindi pagsusumite ng mga hinihinging dokumento.