Labis na ikinababahala ng mga think tank at advocacy groups ang posibleng banta sa pambansang seguridad ng panukalang Konektadong Pinoy Act, bagama’t patuloy itong nakatatanggap ng malawakang suporta.
Ito’y kasunod ng isinusulong ng financial at trade institutions na pagpasa sa bill, at sinabing ang pagluluwag sa restrictions sa telecommunications players ng bansa ay susi sa pagsulong ng digital infrastructure at coverage ng Pilipinas.
“While these are objectives that need urgent action, the bill, upon closer scrutiny, threatens to compromise national security, undermine the integrity of the country’s radio frequency spectrum, which is a critical and finite natural resource,” wika ni CitizenWatch co-convenor Orlando Oxales sa kanyang column na naka-post sa Facebook page ng organisasyon.
Sabi ng CitizenWatch, kapag naaprubahan, aalisin ng SB2699 ang pangangailangan para sa congressional franchise ng telecommunication companies, na magbabawas sa regulatory powers ng National Telecommunications Commission (NTC) at magreresulta sa exploitation ng spectrum allocation ng bansa.
Giit ni Oxales, mas bubuksan ng bill ang security issues kaysa ang matulungan ang bansa na mapaghusay ang internet reach at speeds nito. Iniugnay ni Oxales ang bill sa pagbubukas sa bansa sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) o online gaming, na nagresulta sa security concerns.
“This concern is not unfounded, given our recent experience with the liberalization of online gaming, which led to various social, economic, and security issues,” dagdag pa ni Oxales.
Matatandaang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na ang ilang POGO operations ay posibleng may kinalaman sa hacking at surveillance ng government websites dahil sa tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea makaraang iulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga serye ng hacking incidents na na-trace mula sa Chinese IP addresses.
Binigyang-diin ng convenor na ang pagbubukas ng telco space ng bansa, at kasabay nito ay ang pagbabawas sa regulatory powers ng NTC ay nakababahala dahil ang mabilis na pagpapahintulot sa mas maraming telco players sa bansa ay mahirap bantayan.
Binanggit din ni Oxales na ang pagsisikap ng pamahalaan ay dapat nakasentro sa pagpapahusay sa internet connections sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kakayahan ng NTC at pagtiyak na may kasangkapan ito upang pangasiwaan ang umuunlad na telecommunications landscape.