Hindi na pangkaraniwan ang makita natin sa ating social media feed ang mga nagpapakain ng mga hayop lalo na sa mga aso at pusang nakatira sa lansangan.
Pero dahil sa ganito ring paraan nawalan ng trabaho ang isang lalaki sa Quezon City.
Bakit nga ba siya tinanggal sa trabaho?
Tinanggal umano sa trabaho ang food server na si Ian Vhal Sardia matapos mag-viral ang kaniyang video kung saan nagpapakain siya ng ligaw na aso.
Ibinahagi ni Ian Vhal, na madalas niyang pinapakain ang mga naliligaw na hayop sa kanyang breaktime o kapag wala siyang pasok.
Sa viral video, makikita si Sardia na nagbibigay ng pagkain sa aso, ngunit hindi niya inasahan na ang ganitong kabaitan ay hahantong sa kanyang pagkakatanggal sa trabaho.
Ikinuwento niya sa caption kung paano siya tinanggal sa trabaho makalipas ang limang taong pagseserbisyo rito.
Ayon sa kaniya, ang kaniyang supervisor ang nagsumbong sa kanilang opisina matapos makita ang video na nagpapakain siya ng stray dog sa labas ng kanilang restaurant.
Umani naman ng suporta sa maraming netizen si Sardia na nagmamalasakit lamang sa isang stray dog habang kabi-kabila namang pambabatikos ang natatanggap ng pinagtatrabahuhang restaurant ni Sardia.
Sa kabila ng pagkawala ng kaniyang trabaho, tuloy pa rin ang kaniyang adbokasiya sa pag-aalaga sa mga ligaw na hayop.
Makatarungan ba ang dahilan ng employer ni Sardia para sibakin siya sa trabaho dahil lang sa pagpapakain ng hayop? - Kim Gomez