HINDI resbak ang ginawa ni Pasig City mayoralty aspirant Sarah Discaya laban kay Mayor Vico Sotto sa mga paratang nito sa kanyang pamilya kundi inalok niya lang ang alkalde ng “peace covenant” upang maiwasan ang posibleng siraan ng magkabilang partido.
Ito’y matapos magpadala ng liham si Discaya o mas kilala sa mahihirap na lugar sa lungsod bilang “Ate Sarah” na may petsang Oktubre 11, 2024 kung saan nakasaad ang latag ng mungkahi niya na “kasunduan para sa mapayapang May 2025 elections.”
Batay sa sulat kay Sotto, binanggit ni Discaya na ngayong pareho na silang kandidato na haharap sa mga Pasigueño upang humingi ng boto ay dapat aniyang unahin muna nilang dalawa ang pagbibigay-katiyakan sa mga residente na magiging mapayapa, patas at malinis ang pamamaraan ng kanilang pangangampanya.
Dito’y partikular na binanggit ni Discaya sa kanyang sulat na kailanman ay hindi nila binalikan ng paninira rin ang mga sinasabing paninira ni Sotto sa kanilang pamilya.
“Ang aming tugon sa pamba-bash ng alkalde sa aming pamilya ay malinaw na paliwanag lang bilang depensa at pagtuwid sa mga mapanirang bintang laban sa amin,” saad ni Discaya sa kanyang liham kay Sotto.
“Ang mungkahi ko pong peace covenant ay hugot sa hangad kong hindi magdulot ng gulo sa isipan ng mga Pasigueño ang mga isyu kung magsanga-sanga ng paninira ang mensahe ng pangangampanya ng ating mga lider at supporter sa susunod na mga araw,” dagdag niya.
Napag-alaman na ang pangunahing nilalaman ng proposed peace covenant na inilakip ni Discaya sa kanyang liham ay ang pangakong pairalin ang respeto sa kapwa kandidato at iwaksi ang mga personal na paninira, insulto, o walang basehang bintang na posibleng mag-uudyok ng poot at awayan ng mga botante.
Sinasabing kasama rin sa mga pangakong nakapaloob sa kasunduan ang pagsupil sa iba’t ibang uri ng manipulasyon sa halalan tulad ng vote-buying, harassment at maging ang paggamit ng illegal source of campaign funds at maging public funds para ipangalap ng boto.
Maliban dito, maging ang responsableng paggamit ng iba’t ibang platform ng mainstream at social media ay kasamang aakuin ng magkatunggaling grupo na kanilang papairalin katulad ng pagwaksi ng mga pagpapakalat ng fake news na ang maaaring intensiyon ay upang linlangin ang mga Pasigueño.
Base pa rin sa liham ni Discaya sa alkalde, nakasaad ang suhestiyon na dapat saksihan ang lagdaan ng nasabing peace covenant ng mga kinatawan ng simbahan, lokal na pulisya, lokal na hudikatura at mga miyembro ng mainstream at social media.
Samantala, ipinauubaya na rin ni Discaya kay Mayor Sotto ang pamamahala at paghahanda sa peace covenant, maging ang petsa kung kailan ito gaganapin.
Sa usapin naman ng venue o lugar na pagdarausan ng lagdaan, ipinaliwanag ni Discaya na siya at ang kanyang buong Ate Sarah Team ay nakahandang pumunta sa opisina ng alkalde para sa paglagda ng nasabing kasunduan.