Nadiskubre na numero uno sa survey ang hiling ng mga Pilipino sa mga tumatakbong kandidato sa darating na halalan: mapalakas ang job creation, livelihood generation, at financial literacy, bagay na isinusulong ng Trabaho Partylist bilang pangunahing plataporma nito.
Sa kinomisyong survey ng StratBase Group sa Pulse Asia noong Setyembre, mayorya ng mga Pilipino o 57% ng taumbayan ang naniniwala na ang paglikha ng trabaho at hanapbuhay ay ang pinakamahalagang isyu na dapat isama ng mga kandidato sa kanilang plataporma para sa darating na halalan.
Pumangalawa sa survey ang investment-led economic growth na pinili ng 44% ng survey respondents, kasunod ng pagpuksa sa korapsyon na may 41% na bilang.
Sabi ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho, lahat nang ito ay kabilang sa isinusulong nilang plataporma upang mapalago ‘di lang ang trabaho at ekonomiya kundi pati na rin ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino.
Matatandaang inihayag ng Trabaho Partylist na masusi nitong tututukan ang mga solusyon sa itinatawag na “most urgent national concerns” ng taumbayan tulad ng pagkontrol ng inflation at pagdagdag ng trabaho.
Kumpiyansa rin ang grupo na mahalaga ang pagkakaroon ng representasyon ng Trabaho Partylist sa Kongreso upang maisabatas ang mga mahahalagang benepisyo para sa mga manggagawang Pilipino.
Pahayag ni Atty. Espiritu, hindi sapat na umasa lamang sa wage increase upang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Mahalaga rin aniya na isama ang mga non-wage benefits na magpapabuti sa pamumuhay ng bawat manggagawa.