Ang isa sanang normal na araw para sa isang mag-ina sa Bucharest, Romania, biglang nauwi sa ‘di inaasahang pangyayari sa kalsada matapos lamunin ng sinkhole ang isang bata.
Kung ano ang buong kwento, alamin natin.
Sa isang CCTV footage na nakuhanan sa isang kalsada, makikita ang isang itim na sasakyan na nakaparada sa gilid ng daan.
Bumaba mula sa driver’s seat ang isang ginang at sunod namang bumaba ang kanayang anak mula sa backseat para ihatid sa kindergarten.
Kung titignan, isa lamang itong tipikal na tagpo sa pang araw-araw na buhay ng mga magulang at ng kanilang mga anak. Pero nangyari ang hindi inaasahan nang bigla na lamang gumuho ang kalsada at nahulog ang sasakyan kasama ang bata.
Marami ang lumapit ngunit ang ginang ang matapang at walang pag-aalinalangan na bumaba sa butas upang sagipin ang anak. Isang lalaki ang inalok ang kanyang vest upang gamitin itong kapitan sa pag-akyat ng mag-ina.
Tuluyang nasagip ang bata nang isang lalaki ang bumaba at tinulungan ang ginang na ilabas ang kanyang anak mula sa sinkhole. Bahagya namang nahirapan ang ina sa pag-akyat at tila naging emosyonal nang makitang ligtas ang bata.
Ayon sa mga awtoridad, gumuho ang kalsada sanhi ng erosion sa ilalim nito nang dahil sa isang lumang utility pipe at pati na rin ang bigat ng katabing garbage truck ay nakadagdag dito.
Naniguro naman ang mga awtoridad na iinspeksyunin ang mga kalsada upang hindi na mabahala ang mga residente at motorista.
Nabigyan naman ng medical assistance ang ginang at nakalabas din agad ng ospital, habang ang kanya namang anak ay walang tinamong injuries.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung ikaw ang biglang makaranas nito sa kalsada?