Ang paghiga at pagtulog ang isa sa pinakahihintay ng mga tao sa tuwing magtatapos ang bawat araw.
Kung kaya naman, madalas ding reklamo o nakakaapekto sa araw-araw na gawain ang kakulangan sa tulog dahil sa hindi sapat na pahinga ng katawan at isip.
Pero para sa isang babae sa Vietnam, hindi ito problema dahil tatlong dekada na raw siyang hindi natutulog?
Kung paano ito nangyari, alamin natin.
Sa probinsya ng Long An sa Vietnam, isang 49-year-old na mananahi ang tinatawag na ‘the seamstress who never sleeps.’
Ito si Nguyen Ngoc My Kim.
Aniya, sa kanya mismo nanggagaling na ilang dekada na siyang hindi natutulog at hindi raw ito nakakaapekto sa kanyang kalusugan.
Nakasanayan na raw ni My Kim ang magpuyat dahil sa hilig niyang magbasa tuwing gabi at nagtuluy-tuloy ito nang magsimula siyang maging mananahi dahil sa pag-aalala na hindi makumpleto ang kanyang orders.
Noong una raw ay hindi siya nakakaramdam ng antok hanggang sa tuluyan na nga siyang hindi nakatulog matapos itong makasanayan sa loob ng ilang buwan at inabot na nga ng taon.
Ngunit mayroon daw siyang kinaharap na mga problema nang magsimula siyang magtrabaho tuwing gabi katulad ng ilang beses na pagkakamali sa pagtatahi, pagkaramdam ng pagod at pagkahilo, at nakaranas pa ng ilang aksidente sa kalsada.
Samantala, ang ilang dekadang insomnia ni My Kim ay hindi pa raw diagnosed. Sinabi niya na ito raw ay dahil lagi siyang nakikita ng mga tao na nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi kung kaya mabilis na kumalat ang rumor at hindi nagtagal ay nakilala siya dahil dito.
Bilang resulta, marami ang bumibisita sa kanyang patahian sa long cang upang alamin kung totoo ba ang sabi-sabi.
Hindi naman ito alintana ng mananahi at welcome ang mga turista dahil lagi naman daw bukas ang kanyang pinto.
Ikaw, kaya mo rin bang makatagal ng tatlong dekada nang hindi natutulog?