Hindi makakatanggap ng sahod ang mga empleyadong hindi magtatrabaho ngayong araw, November 1 at bukas November 2 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ipinahayag ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez na ang patakaran na “No work, No pay” ay umiiral tuwing Special Non-working days.
Binigyang-diin naman ng Usec. Benavidez na hindi maaring parusahan ng mga kumpanya ang isang empleyado kung hindi ito mag-report o pumasok sa trabaho sa isang Special Holiday.
Naglabas ang DOLE ng advisory upang gabayan ang mga employer at manggagawa sa tamang pagbabayad ng sahod sa mga special non-working days.
Maliban na lamang kung may patakaran ang kumpanya o kasunduan na nagkakaloob ng bayad sa isang special day, sinabi ng ahensya na ang “no work, no pay” policy ay applicable.
Ang mga empleyadong magtatrabaho ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras, habang ang mga mag-o-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Ang mga nagtrabaho naman sa isang special day at sumakto sa kanilang rest days ay dapat bayaran ng karagdagang 50% sa unang walong oras. Ang mga manggagawa namang mag-o-overtime ay dapat makatanggap ng additonal 30% sa kanilang hourly rate.