Isang SUV o Sports Utility Vehicle na may plakang numero 7 ang sinubukang tumakas pa sa isang traffic enforcer matapos mahuli dahil sa pagmamaneho sa loob ng bus lane noong Linggo ng gabi.
Sa social media post na ibinahagi ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation ng Department of Transportation, sapol sa video ang isang SUV sa northbound EDSA lane ng Guadalupe Station bandang alas-6:28 pm na pinapahinto ng enforcer para i-verify ang lisensya.
Pero sa halip na makipag-cooperate sa awtoridad, nakipagmatigasan pa ito at tuloy lang sa pag-abante.
Isa pang enforcer ang lumapit para tulungan ang kanyang kasamahan pero nagmatigas pa rin ang SUV driver at nag-reverse palabas ng bus lane at tuluyang tumakas.
Ayon din sa enforcer na hindi maganda ang ipinakitang asal ng mga pasahero ng sasakyan.
Ipinadala naman ng Special Action and Intelligence Committee ang kopya ng video sa Land Transportation Office (LTO) para padalhan ng show cause order ang lumabag na driver.
Ang mga plaka ng sasakyan na may numerong 7 ay nakatalaga sa mga senador.