Inambahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte si dating senador Leila De Lima sa pagdinig ng Quad Committee ng kamara.
Ito’y matapos punahin ng dating senador ang ilan sa mga naging pahayag ng dating presidente, at hindi rin nito mabanggit ang kanyang pangalan.
Giit naman ng dating pangulo, nag-iba na kasi ang hairdo nito kaya hindi niya ito nakilala.
Muntik namang batuhin ng mikropono ni dating pangulong Duterte si dating sen. Antonio Trillanes sa kalagitnaan ng pagdinig.
Ito’y matapos isiwalat ng dating senador ang mga sinasabing bank records na may mahigit dalawang bilyong piso na nakapangalan sa ilang miyembro ng pamilya Duterte.
Kaugnay nito, hinamon ang dating presidente na pumirma ng bank waiver upang masilip ang kanyang bank accounts.
Sinabi naman ng dating pangulo na handa niya itong gawin at bilang kapalit ay sasampalin niya ang dating senador.
Sa huli, humingi naman ng paumanhin si dating pangulong Duterte sa kanyang inasal sa naturang pagdinig at inalis naman sa record ang salitang sampal.