Kadalasang kinakabahan o nag-iingat ang mga empleyado sa unang araw nila sa trabaho. Pero ibahin niyo ang lalaking ito sa Russia na milyun-milyon ang ninakaw sa unang araw niya sa trabaho.
Kung ano ang buong kwento, alamin.
Sa isang maikling video na nilabas ng Russian authorities, makikita ang isang lalaki na nasa loob ng isang electronics shop sa Moscow na mayroong isinisilid sa isang maliit na maleta at sa iba pang mga bag.
Sinubukan pa raw ibahin ng lalaki ang direksyon ng CCTV gamit ang isang mop ngunit hindi siya nagtagumpay.
Matapos noon ay ipinagpatuloy lang niya ang pagsisilid ng mga iPhone at iPhone cases sa bag at tila unbothered pa!
Bukod sa iPhones at cases na kinuha nito ay tinangay din nito ang pera na nagkakahalaga ng 53,000 Rubles o $570 mula sa registrar bago kaswal na lumabas mula sa tindahan.
Sa kaparehong araw na ginawa ang krimen ay ang unang araw din pala ng hindi pinangalanang lalaki sa kaniyang trabaho sa nasabing electronics shop at bilang sales manager pa!
Ayon sa mga otoridad, gumamit daw ng mga pinekeng dokumento ang lalaki kung kaya naman nakuha nito ang trabaho.
At matapos daw makuha ang mga susi ng tindahan, maaga siyang pumasok sa trabaho kumpara sa mga kasamahan at isinagawa ang krimen bago umuwi sa kaniyang bahay sa sevastopol.
Hindi naman daw nahirapan ang mga otoridad na hulihin ang lalaki sa Sevastopol dahil natukoy ito agad sa CCTV.
Kinumpiska ng mga pulis ang iba pang nakaw na mga gamit na natagpuan sa kaniyang bahay ngunit naibenta na raw niya ang dosenang iPhones habang pauwi galing Moscow.
Hawak na ng mga pulis ang conman at sinampahan na ng kaso.
Samantala, umabot naman ng tatlong milyong Rubles o $32,000 ang nawala sa nasabing tindahan.